1 min readJun 30, 2020
Pula ang Unang Kulay sa Bahaghari
ni Sangsinukob
Pula ang kulay ng dugo mula sa iyong puso. Pula ang buhay, at ganun din ang pag-ibig. Pag-ibig na ipinangako mong ibibigay mo sa iyong anak nang walang kondisyon, pero pula rin ang itinerno mo sa mata ng anak mo, pulang dugong namuo nang 'di mo matanggap ang kanyang pulang blush on at lip tint. Pula ang kulay ng takipsilim na nag-hele sa anak mo. Pula rin ang kulay ng kamao mo nang sarhan mo ang pinto. Pula man ang kulay ng iyong galit, pero bukas ay pula pa rin ang kan'yang labing ngingiti.